Kamatayan lamang

Marso 7, 2010 5 mga puna

Itong aking pag-ibig

Sa iyo at sa ating bayan lamang iaalay

Ito ang aking pangako

Ang aking dugo at pawis

Bawat patak para sa iyo at sa ating bayan

Ito ang aking panata

Itong aking buhay

Sa iyo at sa ating bayan lamang ibibigay

Ito ang aking sumpa

Kamatayan lamang ang tanging maglalayo

Sa pagitan natin at ng pakikibaka

Free the 43!

Marso 7, 2010 1 puna

Noong Pebrero 6, iligal na inaresto at tinortyur ang 43 health workers na nagsasagawa ng medical training sa isang bahay-bakasyunan sa Morong, Rizal. Nagsasanay sila upang makapagbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan at medical training sa mga maralita at liblib na komunidad.

Kung sino pa ang mga tunay na tumutulong sa pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa  ay sila pang inaaresto at pagtuloy na ginigipit.Ang dapat arestuhin at parusahan ay ang kasalukuyang gobyerno na walang ginawa kundi gamitin ang pera ng bayan para sa sariling interes lang sa halip na bigyan pansin ang kalagayan ng mamamayan.

Palayain ang Morong 43!

Sino ako?

Pebrero 28, 2010 3 mga puna
sino nga ba ako?
alam mo, sa totoo lang at walang biro.hindi ko alam.
kahit saan nakikita mo ako.
kaliwa’t kanan, likod,harap, taas at baba,
wala kang makikita kundi ako. .ako.. ako..
Nakikita mo akong isinusulat, nagsusulat at ipinangsusulat ng iba.
Nakikita mo akong binabasa, nagbabasa at ipinababasa sa iba.
Nakikita mo akong nakikibaka.. nakikipaglaban.
Nakikita mo ako sa unahan ng mga pagkilos ng mamamayan.
Nakikita mo akong kasama, kahalubilo ng maralita.
Nakikita mo akong nakikibahagi sa pakikipaglaban ng kababaihan para sa pantay na karapatan.
Kasama ako ng mga magsasakang nilamon na ng lupa sa tindi ng kahirapan.
Kapit-bisig kami  ng mga manggagawang laylay na ang katawan
sa maghapong pagpapaalipin.
Nakikita ako sa kanayunan.. sa bundok ng sierra madre.
may hawak na baril at nakikibahagi sa armadong pakikibaka.
sumisigaw ng paglaya para sa sambayanan. nakikita ako kahit saan..
at malamang nakita mo na ako. -realidad

Unang Araw ni Ka Nico

Pebrero 28, 2010 4 mga puna

Simula na ng bagong araw.

Alas-kuwatro pa lamang ng umaga, nagsimula nang mag-ayos ng gamit si Ka Nico. Ganado niyang inumpisahan ang pagpa pack-up ng kanyang oblagan (pansamantalang tulugan o himpilan). Tinanggal niya sa pagkakatali ang kanyang duyan at tent na yari sa telang tapeta o karaniwang tawag ay telang parachute. Nagkabuhol-buhol pa nga ang mga tali nito kaya kinailangan niyang magbukas ng ispat (flash light). Nang matanggal ang buhol, isinilid niya ang mga ito sa kanyang back pack pati ang kanyang jacket at kumot. Kinuha niya’t isinuot ang kulay itim na texcock (isang brand ng damit na manipis ang tela) na nakasampay sa sanga ng punong pinagtalian ng kanyang duyan. Nagsapatos siya nang walang suot na medyas. Handa na ang lahat kaya binuhat niya  ang kanyang back pack at isinuot ang ammo belt. Kinuha niya ang kanyang baril na M-16 at nilagyan ng pasulong. Alerto siyang pumuwesto sa likod ng isang malaking puno habang hinihintay ang pagliwanag ng paligid. Madalas mahuli si Ka Nico sa paggising at pagpa pack-up ng gamit mula nang siya’y pumasok sa platun. Ngunit sa pagkakataong ito, pinilit niyang gumising ng maaga dahil ito ang araw na pinakahihintay niya.

Tent at duyan ang pangunahing gamit sa pagtulog ng BHB.

Espesyal ang araw na ito para kay Ka Nico. Dahil sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan niyang integrasyon sa hukbo, sa araw na ito pa lang niya mararanasan ang gawaing masa. Matagal nang gusto subukan ni Ka Nico ang gawaing masa sa kanayunan. Ibang-iba daw kasi ito sa gawaing masa sa lungsod.  Gusto niyang makita kung papaano nagaganap ang rebolusyon sa kanayuan. Nais rin niyang makaipon ng mga karanasan na pwede niyang ibahagi sa mga kasamang kabataan sa lungsod. Sa tuwing nagbibigay kasi siya ng pag-aaral tungkol sa digmang bayan ay wala siyang maibahaging kwento. Kaya ilang beses siyang nag request sa kanyang kolektiba na payagan na siyang makapag-integrasyon. Ngunit hindi siya makaalis dahil may maiiwang gawain. Siya kasi ang susing tao sa paaralang balak nilang butasin. Pumaloob naman si Ka Nico sa desisyon ng kolektiba at nagpursige sa kanyang gawain. Naging mabilis ang kanyang pag-oorganisa. Nakapagtayo kaagad siya ng chapter ng KM (Kabataang Makabayan) at nang lumaon nabuo na nila ang Sangay ng Partido. Matapos iyon, ipinaloob si Ka Nico sa tatlong buwan na programang integrasyon sa BHB.

Matiyagang nagtuturo ang mga BHB sa mga masa ng kalagayan ng lipunan. Nagtuturo din ang sila ng pagbasa at pagsulat.

Sakto ang kanyang pagpasok sa isang platun ng BHB. Nasa programa kasi ito ng pagpapalawak ng baseng masa at pagpapatatag sa mga baryong may Sangay na ng Partido. Ngunit, naudlot ang programa dahil napa-engkwentro sila. Matapos ang laban, lima sa militar ang patay at isa sa BHB. Napuna ng Yunit Kumand na kulang sa pagsasanay-militar ang karamihan sa kanilang mga kasama sa platun kaya naglunsad ito ng isang buwang pagsasanay. Naging matagumpay ito kaya nagdesisyon ang Yunit Kumand na ituloy ang programang pagpapalawak ng platun. Hinati nila ang platun sa tatlong iskwad at binigyan ng kanya-kanyang gawain. Ang unang iskwad ay naatasan para tumulong sa mga magsasaka sa paggapas ng palay sa Sityo Takurong. Noong nakaraang linggo pa naumpisahan ang pag-aani doon ngunit naantala ang pagpapadala ng tulong dahil sa pagsasanay-militar. Ang pangalawa naman ang mag-aasikaso sa pagpasok ng pagkain mula sa Bayan. Naubos kasi ang kanilang dalang supply dahil sa mahabang pag-atras nila sa laban. Ang ikatlong iskwad naman ang magbibigay ng edukasyon sa Baryo Madarang na may antas KP (komiteng pang-organisa) bilang paghahanda dahil gagawin na itong GSM (Ganap na samahang Masa). May isang linggo ang bawat iskwad upang magawa ang mga kanya-kanyang tungkulin. Nagtakda ang Yunit Kumand ng RP (rally point) kung saan magkikita-kita ang mga iskwad matapos ang isang linggo.

BHB at masa, magkatuwang sa pag-ani ng palay.

Isinama si Ka Nico sa ikatlong iskwad. Binubuo ng limang katao ang kanilang iskwad o SYP (Sandatahang Yunit Propaganda). Nakapaloob sa programa nila ang pagbibigay ng edukasyong masa para tulungan ang Sangay ng Partido sa pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong pwersa bilang paghahanda sa pagtaas ng antas nito mula KP tungo sa GSM. Nang magkahiwa-hiwalay na ang platun, nagpulong kaagad sila upang gumawa ng plano. Itinakda nila kung sino ang mamamahala sa pag-aaral at seguridad. Bilang Pinunong Pampulitika, si Ka Baste ang naitalagang punong abala sa pag-aaral. Kasama niya si Ka Nico na sabik na nagboluntayo. Hinanda nilang dalawa ang mga dokumento at biswal na gagamitin sa pag-aaral. Seguridad naman ang pinamahalaan ng Team Leader nilang si Ka Mario. Sina Ka Lena bilang Vice Team Leader at Ka Ailyn na siyang pamilyar sa terayn, ang naging abala sa paggawa ng mapa ng buong baryo at pagtutukoy ng pinakaligtas na oblagan. Isang araw bago magtungo ang kanilang iskwad sa baryo, nag-ensayo sila para sa isang pangkulturang pagtatanghal na kanilang ihahandog pagkatapos ng pag-aaral. Gumawa sila ng iskit na may halong pagkanta. Mahalaga ito upang lalong maunawaan ng mga tao sa baryo ang nilalaman ng pag-aaral. Inabot na sila ng gabi sa pag ensayo ngunit tuloy pa rin sila upang maperpekto ang kanilang palabas. Kahit pagod ang buong iskwad, hindi ito naaninag sa kanilang mga mukha kinaumagahan.

Gamit ang gitara, naghahanda rin ang mga BHB ng kanilang kultural na presentasyon at mga pakulo.

“Aba, Ka Nico ang aga mong bumagon ah! Ngayon mo lang ako naunahan sa paggising. Sabik na sabik ka na ’ata sa gawaing masa!” biro ni Ka Mario, na nakatupi hanggang braso ang manggas ng suot niyang polo. Kitang-kita sa kanyang kaliwang siko ang isang malaking pilat na mula sa isang laban. Sunog at medyo kulubot ang kanyang balat dahil sa labing limang taong paglalakad sa ilalim ng araw bilang mandirigma ng BHB. Matipuno ang katawan ngunit may katandaan. Mapapansin mo agad na siya’y nasa edad kwarenta na.

“Maaga lang talaga magising ang mga bata, Ka Mario.Tumatanda ka na kasi kaya humahaba ang tulog na kailangan mo,” ganting biro ni Ka Nico. Sanay na silang dalawa sa biruan. Si Ka Mario ang naging unang ka-body niya noong pagpagpasok niya sa platun kaya hindi maiwasanng maging malapit sila sa isa’t-isa.

“Matanda man, aba’y mas malakas naman sa kalabaw!” pagmamayabang ni Ka Mario.

“Tama na nga yan Tanda. Lumalakas na ang hangin dito. Kumain na lang tayo.” Nakangiting sagot ni Ka Nico. “Luto na ba ang pagkain?”

“Aba’y kanina pa. Pumunta ka sa pwesto ni Ka Baste nang makakain ka na. Kumain ka nang marami dahil maraming tayong gagawin,” paalala ni Ka Mario. “Ako nang magtataliba riyan.”

Pumunta si Ka Nico sa pwesto ni Ka Baste.  Mainit na kanin, tuyo at kapeng bigas ang inabutan niya. Kumain siya ng mabilis kahit napapaso ang dila. Sinabayan niya pa ito ng umuusok na kawayang tasa ng kapeng bigas. Nagmamadali siyang kumain dahil sabik na siyang mag gawaing masa. Hindi na siya makapaghintay na makita ang baryong pupuntahan nila. Kasama niyang kumain si Ka Ailyn, isang katutubo Aeta.  Napansin niya ang pagmamadali ni Ka Nico.

“Aruy! Hinay-hinay lang Ka Nico. Mapapaso at magkakasugat ang dila mo nyan. Baka hindi ka na makapagsalita pagdating natin sa baryo,” pag-aalala ni Ka Ailyn na may halong biro. Alam niya kung bakit nagmamadali sa pagkain sa Ka Nico. Sa tagal niya sa BHB, hindi bago sa kanya ang mga kilos at galaw ng mga kabataang galing lungsod. Siya ang pangalawang pinakamatagal na hukbo sa kanilang iskwad, una si Ka Mario. Dalaga pa lamang siya noong sumampa sa BHB, ngayon ay may asawa’t isang anak na.

“Pasensya kasama. Excited lang ako,” sagot ni Ka Nico habang may laman ang bibig.

Tumawa si Ka Ailyn at tinapik ng malakas ang braso ni Ka Nico.  “Sabi ko na nga ba! ’Yang paggising mo ng maaga at pagmamadali mo sa pagkain, halatang hindi ka na mapakali. Aruy! Hindi mawawala ang tao sa baryo.”

“Oy Ka Ailyn, noong nakaraang linggo pa ako nagsimulang gumising ng maaga. At saka gutom lang ako kaya nagmamadali akong kumain,” pagtanggi ni Ka Nico.

“Sige, kung ’yan ang dahilan mo. Basta hinay-hinay lang sa pagkain baka mabilaukan ka.”

Naglalakad ng nakaisang linya ang mga BHB patungo sa susunod na destinasyon.

Nang matapos kumain ang lahat, nagtipon ang iskwad para sa briefing. Itinalaga nina Ka Mario at Ka Lena ang magiging pwesto ng bawat miyembro sa paglalakad.Tsinek din nila ang kanilang mga baril at dalang bala pati ang mga materyales na kakailanganin nila. Ipinaliwanag ng mabilis ni Ka Baste ang kanilang magiging layunin sa Baryo Madarang.  Si Ka Ailyn naman ang nagbigay ng detalye tungkol sa tereyn at tagal ng kanilang lalakarin dahil kabisado niya ang lugar. Ayon sa kanya, aabutin ng dalawang oras ang paglalakad upang maabot nila ang oblagan sa Baryo Madarang. Isa itong kakahuyang nasa taas ng umpok ng mga kabahayan. May maliit doon na ilog na pwede pagkunan ng tubig na maiinom at pampaligo. Doon na rin sila sasalubungin ng mga pwersa sa baryo.

Nagsimula silang maglakad pagsapit ng alas-singko ng umaga.  Madilim pa ang paligid. Maliwanag ang buwan ngunit natatakpan ito ng mga makakapal na sanga’t dahon ng mga puno. Maririnig mo pa ang mga ingay ng kuliglig na nakikipagsagutan sa huni ng kuwago. Si Ka Ailyn ang naging aybol (taong gumagbay) ng kanilang hanay. Sumunod si Ka Baste, Ka Mario at Ka Nico. Nasa huli naman si Ka Lena. Walang nagsasalita. Tahimik silang naglalakad na halos walang ingay na nililikha. Nakaalerto ang mga baril at mata hanggang sa inabutan na sila ng sikat ng araw. Ala-siete nang matanaw nila ang mga kabahayan sa Baryo Madarang. Saktong dalawang oras ang kanilang nilakad. Malapit na sila sa oblagan nang may marinig silang babaeng kumakanta. Huminto ang buong hanay. Nagbigay ng atas si Ka Mario kay Ka Ailyn upang itsek kung sino. Dahan-dahang umabante si Ka Ailyn. Wala pang dalawangpung segundo, bumalik si Ka Ailyn na nakangisi.

“Si Ka Miling lang. Halina na’t umabante na tayo,” mahinang pagkasabi ni Ka Ailyn.  Si Ka Miling ang nakatakdang sumalubong sa kanila. Siya ang pinuno ng Sangay ng Partido sa Baryo Madarang. Nasa edad 60 na siya. Dati siyang hukbo ngunit dahil sa katandaan, minabuti niyang kumilos sa baryo. Mag-isa na lamang siyang nabubuhay. May mga anak siya ngunit may mga sarili na itong pamilya.

“Magandang Umaga Ka Miling!” malakas na bati ni Ka Ailyn habang kumakaway.

“Ay! Magandang umaga mga anak. Kanina ko pa kayo hinihintay,” sagot ni Ka Miling na halatang nagulat sa biglang pagsulpot ng iskwad. “Nag-agahan na ba kayo?” tanong niya. “Bumaba muna kayo sa bahay ko at magkape.”

“Hindi na po. Nakapag-almusal na kami ng kanin. Bababa rin po kami maya-maya. Magpapahinga lang po ng kaunti,”  magalang na sagot ni Ka Baste. Ibinaba ni Ka Baste ang kanyang back pack at umupo sa isang malaking bato. Tinanggal niya ang kanyang bandana at ipinangpunas sa kanyang mukha. Lumaylay ang mahaba niyang buhok na abot hanggang balikat. Bawal sa mga lalaking hukbo ang magkaroon ng mahabang buhok (upang maging presentable sa masa) ngunit iba ang kaso niya. Mula nang pinatay ang kanyang ina (isang kasama sa hayag) ng mga military, ipinangako niya na hindi siya magpapaputol ng buhok hangga’t hindi nahuhuli ang mga may sala. Naintindihan siya ng kanilang Yunit Kumand kaya pinayagan.

“Kamusta pala ang mga kasama? Natanggap namin ang balitng napalaban kayo,” pag-aalala ni Ka Miling.

Lahat ay napayuko. Naalala ng lahat si Ka Deks, ang kasamang namatay. Walang gustong sumagot, maliban kay Ka Baste.

“Oo nga po. Nakalaban naman kami ng mahusay. Lima po sa kaaway ang patay. Pero.” Huminto ng saglit si Ka Baste. Hindi niya alam kung paano sasabihin na may kasamang napatay. “Pero may isang kasama ang nabawian ng buhay. Si Ka Deks,” parang maiiyak niyang binanggit.  “Ok naman po ang kasama. Hinati po kami sa tatlong iskwad. ‘Yung iba po may ibang gawain,” mabilis niyang sinabi upang mailiko ang usapan. Napansin naman ito ni Ka Miling kaya iniba niya ang paksa.

“May bago ’ata kayong kasama? Ngayon ko lang siya nakita.”

Sumagot si Ka Baste. “Si Ka Nico po yan. Taga-YS (Youth and Student sector). Naka-integrasyon po sa platun.

Lumapit si Ka Nico kay Ka Miling at muling nakipagkmay.

“Ano nga ulit ang ngalan mo anak?” tanong ni Ka Miling habang hawak ang mga kamay ni Ka Nico.

“Nico po. Nagagalak ko po kayong makilala Ka Miling.” Nakangiting sagot ni Ka Nico.

“Magpaiwan ka na dito Ka Nico. Magpultaym ka na. Mabibitin ka lang sa integrasyon mo. At saka ,dito rin naman sa kanayunan ang tungo mo pagtagal buti pa’t agahan mo na. Mas kailangan ka dito.” Sabi ni Ka Miling na tila biro ngunit may halong pagkaseryoso.

Napangiti na lamang si Ka Nico nang maring ito. Alam niya na tama ang punto ng matanda ngunit hindi pa siya handa. Isang taon pa lamang ang nakalipas nang magdesisyon siyang mag full-time sa lungsod. Wala pa siyang planong mag-hukbo. Hindi niya alam kung anong isasagot kay Ka Miling. Napre-pressure siya. Hindi niya alam kung paano sabihin na wala pa sa plano niya ang pagpu full-time sa BHB. Buti na lamang biglang sumingit si Ka Lena.

“Ka Miling naman.  Aba’y ’wag nyo muna presurin.  Relaks lang kayo riyan. Isinama namin si Ka Nico dito para maranasan niya kung gaano kasarap mag gawaing masa sa kanayunan. Unang araw niya ’tong sumabak.”  Alam ni Ka Lena kung anong nararamdaman ni Ka Nico. Nangyari na rin sa kanya ito dalawang taon na ang nakakalipas. Mula siya sa sektor ng kababaihan sa lungsod. Nang mag-integrasyon siya sa platun, matinding pressure ang naramdaman niya mula sa mga kasama’t masa. Ngunit, hindi niya ito pinansin bagkus binigyan niya ng sapat na panahon ang kanyang sarili na magdesisyon. Kinalaunan, nagpasya na rin siyang mag full-time nang makita niya ang pangangailangan.

“Ay ganun ba? Dibale. Basta, sinasabi ko sayo Ka Nico, masisiyahan ka dito sa baryo. Magiging makabuluhan ang unang araw mo. Pagkayari ng gawain niyo dito, tiyak magdedesisyon ka nang magpultaym,” kabig ni Ka Miling.

Paparating na ang mga kaaway!

Muli niyang inimbitahan ang iskwad na kumain sa kanilang bahay. Dahil sa pagiging mapilit ni Ka Miling, hindi na sila nakatanggi. Doon din naman ang magiging lugar ng kanilang pag-aaral kaya minabuti na nila doon kumain’t magpahinga.

Nagdalawang grupo sila. Dalawang bahay ang kanilang pinuwestuhan. Bukod sa bahay ni Ka Miling, nagdesisyon ang buong iskwad na puwestuhan din ang katabing bahay na pag mamay-ari ni Ka Orlan, isa ring miyembro ng sangay. Saglit silang nagpulong pagdating sa bahay ni Ka Miling. Kaagad na inihanda nina Ka Mario at Ka Lena ang serugidad bago kumain. Nagtakda kung sino ang magiging magka partner at kung saan ang RP kung sakaling mapalaban. Matapos kumain nagtungo sina Ka Mario at Ka Ailyn sa kabilang bahay habang naiwan naman sina Ka Baste, Ka Nico at Ka Lena.  Inilabas ni Ka Baste ang mga dokumentong kakailanganin sa pag-aaral. Si Ka Nico naman ang nagdikit ng itim na tent sa ding-ding na magsisilbing blackboard. Hindi pa man naihahanda ang lahat, biglang dumating si Ka Martin (isang miyembro ng Milisyang Bayan) mula sa likuran ng bahay. Hingal na hingal ito dahil sa isang kilometrong tinakbo.

“Ka Miling! Mga kasama! May kaaway! May kaaway! May siksbay ng army!” paputol-putol na pasa ni Ka Martin dahil naghahabol ng hininga.

Pagkatanggap ng balita, kaagad nagligpit ng gamit sina Ka Baste at Ka Nico. Pinuntahan ni Ka Lena sina Ka Mario at Ka Ailyn sa kabilang bahay upang ipasa ang balita. Kaagad na nagpunta si Ka Mario sa bahay ni Ka Miling. Nagbigay siya ng instruksiyon na mag pull-out. Nag-usap sila ni Ka Miling ng sandali. Pagkatapos nagmamadaling lumabas ang buong iskwad at pumuwesto sa kakahuyan malayo sa kabahayan. Nagkatensiyon nang marinig nila na papalapit ang isang ingay. Nasa 200 metro ang layo. Ingay ito na nagmumula sa makina ng isang siksbaysiks trak ng military.

Takot na takot at hindi makagalaw si Ka Nico sa kanyang puwesto. Nanginginig at namamawis ang kanyang mga kamay.  Hindi niya inasahan na mauuwi sa laban ang plano nilang gawaing masa. Pinipilit niyang alalahanin ang mga aral na natutunan niya sa pagsasanay-militar ngunit ni isa walang pumapasok sa kanyang isip. Isa lang ang natatandaan niya, “Dumapa at huwag tatayo”. Napansin ni Ka Mario na natatakot si Ka Nico. Kinausap niya ito.

“Ka Nico, huwag kang matakot. Basta sumunod ka lang sa kumand. Kung tayo man ang pakay nila, wala silang ibang madadaanan kundi umaakyat. Bentahe natin ang tereyn,” matapang ang pagkasabi Ka Mario. Tila handa na itong makipaglaban.

Sinegundahan ito ni Ka Baste upang mapalakas ang loob ni Ka Nico. “Relaks lang kasama. Takot yang mga kalaban. Magpapaputok lang yan nang hindi umaasinta. Basta dumapa ka lang at ’wag tatayo. ‘Wag mong kakalimutang sumunod sa kumand. Kaming bahala sayo kasama.”

Unti-unti nawala ang takot ni Ka Nico. Inisip niya ang mga puntong ibinigay sa kanya nina Ka Mario at Ka Baste. “Tama si Ka Baste. Hindi dapat ako matakot dahil alam ko kung anong ipinaglalaban ko. Bentahe din pala namin ang terrain. Maganda ang puwesto namin kumpara sa mga kaaway na manggagaling sa ibaba. Walang dapat ikatakot!” sabi niya sa kanyang sarili.

Naalala ni Ka Nico ang mga natutunan niya sa pagsasanay-militar. Lalo itong nagbigay sa kanya ng tapang at tiwala sa sarili. Ngunit lalong lumakas ang tunog ng makina ng siksby. Papalapit na ang mga kaaway. Sinabi sa kanila ni Ka Mario na may 100 metro ang layo nito. Nanumbalik ang takot niya. Nagsimula muling manginig at magpawis ang kanyang kamay. Hindi niya ulit maalala ang detalye ng pagsasanay-militar.

“Lagot na ako. Gusto ko lang naman maranasan ang gawaing masa pero bakit laban ang napuntahan ko.” sabi niya sa kanyang sarili na tila may pagsisisi. “Bahala na! Mamatay na kung mamatay! Kasing-bigat naman ng Sierra Madre ang buhay ko kahit mamatay akong walang laban. Para ito sa masang api! Para sa Partido!” buong tapang niyang sinabi habang tinatanggal ang lock ng kanyang M-16. Handa na siyang magpaputok kung sakaling magbigay ng kumand si Ka Mario. Handa na siyang magbuwis ng buhay.

Handa na sa pag-asinta!

Biglang huminto ang ingay ng siksby. Nasa 50 metro ang layo nito sa pwesto ng kanilang iskwad. Malapit na ito sa kanila. Naisip nilang naghahanda na ang kaaway sa pag-akyat. Ikinasa na ni Ka Mario ang kanyang baby armalite at nilagyan ng bala ang M203 Grenade Launcher. Inihanda nina Ka Lena at Ka Baste ang kanilang riffle at hand grenade. Inilatag naman ni Ka Ailyn sa kanyang harapan ang ammo belt upang hindi siya mahirapan magpalit ng magasin ng kanyang m-14. Handa na ang lahat. Kapag umaakyat ang kaaway tiyak magkakabarilan.

Lumipas ang sampung minuto, wala pa rin silang nakikitang kaaway. Naisip ni Ka Mario na baka nakagawa ng daan ang mga militar upang maikutan sila. Binigyan niya ng kumand sina Ka Lena at Ka Baste na tignan ang kanilang likuran. Bago pa man nakaalis ang dalawa, muling tumunog ang makina ng siksby. Ngunit sa pagkakataong ito, papalayo ang tunog. Biglang narinig nila ang boses ni Ka Miling.

“Mga anak, wala na ang siksbay. Nakaalis na. Pumunta lang sa barangay hall para kunin ang kanilang kotong kay Kapitan. Wala nang kaaway,” mahinahong  pagkakasabi ni ka Miling. Walang mababakas na takot sa kanyang boses.

Nanghinayang si Ka Nico sa halip na matuwa sa narinig na magandang balita. Kung kailan handa na siyang lumaban, doon pa hindi natuloy. Pakiramdam niya, nadagdagan ng husto ang kanyang tapang. Gayunpaman, malaki ang pasasalamat niya dahil walang kasamang kailangan magbuwis ng buhay. Mas mabuti nga iyon dahil maaari na nilang ipagpatuloy ang kanilang gawaing masa.

Hindi muna umalis ang iskwad sa kanilang pwesto. Pina-tsek ulit nila ito kay Ka Martin kung tuluyan nang nakalayo ang mga kaaway. Nang makumpirmang wala na at hindi sila ang pakay nito, muli silang bumalik sa bahay ni Ka Miling. Masaya nilang pinagkwentuhan ang kanilang naging takot at pinagtawanan ang mga nakakatawang bagay na kanilang ginawa. Nanguna sa kwentuhan si Ka Nico.  Ibinahagi niya ang kanyang takot at kabang naramdaman kanina.  Naghanda naman ng tanghalian si Ka Miling habang abala ang lahat sa pagbabahagi ng mga kwento.

Nabusog sila sa inihaing ginataang puso ng saging. Sinamahan pa ito ng kape na kakagiling lang mula maliit na kapihan ni Ka Orlan. Nang makapagpahinga ng kaunti, itinuloy na nila ang paghahanda sa pag-aral. Ipinatawag ni Ka Baste kay Ka Orlan ang lahat ng miyembro ng sangay. Sumama rin si Ka Martin sa pagtatawag. Sina Ka Lena, Ka Mario at Ka Ailyn ang naging taliba sa labas ng bahay. Ipinuwesto naman ni Ka Nico ang mga upuang gagamitin. Habang inililinya niya ang mga ito, nilapitan siya ni Ka Miling. Tinapik ang kanyang balikat at pabirong sinabi, “Ayan ang sinasabi kong makabuluhang unang araw. Magpupultaym ka na ba anak? “

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.