Kapit sa Patalim

Setyembre 19, 2010 1 puna

Galing ang larawan sa http://www.alomagazine.com

 

*Ang kwentong ito ay nangyari sa totoong buhay.

*Salamat kay Nanay Ester ( di tunay na pangalan) sa pagbabahagi ng katotohanan.

Kakaibang takot ang naramdaman ni Dolfo sa unang niyang pagtapak sa presinto. Matatalas ang tingin ng mga pulis sa kanya habang ipinapasok siya sa selda. Sa tuwing magkakasalubong  sila ng tingin ng warden, bigla na lamang itong ngumingisi sa kanya na para bang nagbabanta. Hindi napalagay si Dolfo sa mga pangyayari. Napansin ito ng kanyang kapwa preso. Nilapitan siya ng kinikilalang leader ng selda at binigyan ng lapis at papel. “Boy, eto lapis at papel, sulat mo ang gusto mong sabihin sa pamilya mo. Kalakaran na dito yan para sa mga bagong pasok. Para kung may mangyaring.. alam mo, may habilin ka. Dun ka sa likod magsulat para walang makakita, bawal yan e”. Lalong natakot si Dolfo. Kaagad siyang sumunod  ng walang imik. Nanginginig siya habang simusulat ang mensahe para sa kanyang ina.

 

Galing ang larawan sa http://www.islandcrises.net

 

Nay pasensya po talaga. Hindi ko po sinasadya tong napasukan ko. Gusto ko lang po makatulong satin. Si Bugoy po kasi e. Sabi nya sakin sumama daw ako sa kanya kung gusto ko daw ng pera. Sya daw ang bahala sakin.  Sumama po ako kasi sayang naman po. Pagkakataon na e. Kaso ilegal po pala. Mang-iisnats pala sila. Wala na po akong nagawa. Sumunod na lang ako nang hindi ko namamalayan. Hindi ko po alam kung bakit. Ginawa nya akong bantay. Kaso bulilyaso e. Nanlaban yung inagawan niya. Kaya ayun. Nagpanik si Bugoy. Nasasaksak nya. Pagkatapos po nun, tumakbo na ako. Natakot na po kasi ako. Di ko kasi alam na ganun yung mangyayari. Kaya nun tumakbo po ako, ako yung hinabol ng mga tao. Akala nila ako yung may gawa. Hanggang sa nahuli ako. Natatakot ako Nay. Mabigat daw kasi ung binangga ni Bugoy. May kamag-anak daw na pulitiko. Paki puntahan naman po si Jose. Pulis ang kuya nun. Baka matulungan tayo. Natatakot talaga ako Nay. Pasensya ulit. Wag na po kayo maghanap ng perang pangpiyansa. Yung pera nyo, tago nyo n lang. Mas kailangan nyo yan. Ibili nyo ng gamot.

– Dolfo


 

Isang linggo ang nakalipas.

Laman ng isang dyaryo.

“Nanlaban, kaya inunahan na namin”

Ganito ang ipinahayag ng isang pulis na kasama sa mobile car nang mabaril at mapatay ang 25-anyos na suspek sa panghoholdap at pagpatay sa isang negosyante matapos na mang-agaw umano ng baril sa imbestigador ng pulisya na nag-inquest sa kanya habang binabagtas nila ang Taft ave sa Maynila kamakalawa ng hapon.
Idineklarang patay na dakong alas-10:30 ng gabi sa Philippine General Hospital dahil sa tatlong tama ng bala sa ulo ang suspek na si Rodolfo Romano na taga Paco Maynila.

Ayon kay Chief Inspector Allan San Mateo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-singko ng hapon hanggang alas-sais ng gabi habang pabalik na sa MPD headquarters ang suspek at mga escort nito na sina PO3 Samuel Enriquez, PO2 Dennis Dela Rama at PO3 Felipe Gomez.

Si Enriquez umano ang nagmamaneho ng mobile car na Toyota Vios katabi si Dela Rama. Si Gomez naman ang katabi ng suspek sa passenger seat.

Nasa San Marcelino St. na sila nang biglang daganan umano ng suspek si Gomez at tinangkang agawin ang service firearm nito. Nagkaroon ng komosyon sa loob ng mobile car hanggang sa binaril ni Dela Rama ang suspek na tinamaan sa ulo.
Sa panayam kay Dela Rama, sinabi nito na wala siyang ibang pwdeng gawin kundi paputukan ang suspek dahil sa pangambang maunahan sila.

Samantala, naniniwala naman ang ina ng suspek na si Gng. Ester Romano na sinadya umano ang ginawang pagbaril sa kanyang anak dahil mayaman at may kamag-anak ang nakabangga ng kanyang anak.

Alegasyon pa ng ginang na nakita umano niya nang abutan ng envelope ng kamag-anak ng biktima ang mga pulis sa mismong loob ng MPD. Binuksan pa daw ito ng isang pulis at nang matiyak na pera ang laman ito ay bigla itong umalis bitbit ang envelope, bagay na mariin namang pinabulaanan ni San Mateo.

“Kung tatanggap man ako, sana sa tagong lugar na. Death Certificate ang laman ng envelope at ilan pang ebidensya,” ani San Mateo.